May panahon para sa lahat. Ngayon ang panahon ng pag-asa at galit: Pag-asa na makakamit kung sisimulan nating magalit ngayon. Dahil nagbibigay pag-asa ang galit.

Nahaharap sa “suspension” mula sa kanyang serbisyo bilang Provincial Accountant ng Marinduque ang nanay ko, si Mrs. Erlinda Saguid, dahil ayaw niyang pirmahan ang purchase order ng transaksyon na nagkakahalaga ng P18 million.

Sa ngayon, hindi pa ito pinipirmahan ng nanay ko, at naniniwala ako na hindi niya ito pipirmahan. Hindi ito pinirmahan at hindi pipirmahan ng nanay ko dahil alam niya na anomalous ang transaction na ito lalo na’t papaalis na sa governorship post si Bong Carrion. Bakit pipilitin pa ang mga ganitong transaksyon sa loob ng ilang araw na lamang sa puwesto? Kung ito ay para mabawi ang lahat ng nagastos sa nakaraang eleksyon, mainam na si Bong Carrion ang tanungin.

Hindi ako mangingiming sabihin na maaaring nasa landas ng disgrasya ang aking pamilya dahil ang nanay ko ang susi para mai-release ang budget para sa purchase order na ito.

Kapag hindi niya pinirmahan ang purchase order at masabotahe nang tuluyan ang mga plano ni Bong Carrion at ng kanyang mga kasabwat sa Sangguniang Panlalawigan, alam ko na maaaring may mangyaring masama sa pamilya ko lalo na sa nanay ko.

PERO MAY PANAHON PARA MAGALIT, AT NGAYON ANG PANAHONG ITO. TAMA NA ANG CORRUPTION. MALIIT NA ISLA ANG MARINDUQUE AT ANG PAGIGING MALIIT NITO ANG NAKIKITANG OPORTUNIDAD NG MGA PULITIKONG KATULAD NI CARRION PARA GUMAWA NG LAHAT NG URI NG KABULASTUGAN. PERO ITO ANG SASABIHIN KO SA IYO NGAYON, BONG CARRION, AT SA MGA KASABWAT MO:

HUHUSGAHAN KAYO NG KASAYSAYAN AT NG MGA KABATAANG MARINDUQUENO BILANG SIMBOLO NG CORRUPTION NA GUSTO NA NAMING MABURA SA PULITIKA NG PILIPINAS, AT HINDI KAMI MAGIGING MABAIT O MABUTI SA INYO HANGGA’T NABUBUHAY KAYO.

Mangyari na ang mangyayari. Panahon ito ng galit at pag-asa.

– Joseph de Luna Saguid