Palabas nanaman sa ating munting tahanan ang iyong bagong paborito, kabibili lang nung isang linggo sa dvdhan pero laspag na laspag na, isang pelikulang kinagiliwan natin agad ang pamagat nang mapansin sa tambak na tinda ng suking pirata kasi sino ba naman ang di matatawa sa Blowjob sa Kotse, at sino ba naman ang di makakaintindi sa pinahihiwatig mo ngayong nakasalang nanaman sa player ang pelikula, ngayong dinadaig ng mga ungol mula sa telebisyon ang huni ng mga ibong nagsasalit-salit sa pagtambay sa bintana, ngayong may dinudunggol ka nanaman sa aking hita habang naghihiwa ako ng patatas sa kusina sabay bulong ng tatlong matatamis na salitang magpapalinaw sa lahat sakaling di pa malinaw ang lahat—mahal, blowjob naman, bulong mo, umaapaw sa lambing, umiiwas sa utos kong iabot ang bawang at sa tanong kung isang salita ba o dalawa ang blowjob, blow job, kung paano nga ba ang simula nung pagkahaba-habang joke na aasarin ka nang husto bago makarating sa punchline na “blowjob muna,” kung saan na kaya napunta ang bulok na Mazda pickup na dating nakaparada sa may suking talipapa, yung Mazdang gamit na gamit sa sari-sari nating bastus na pantasya, pasok lagi sa eksena kahit ang kwento ay may kinalaman sa pari at madre sa kapilya, o salesgirl sa SM at security guard, o di kaya ang paborito mong au pair at amo niya, na lagi kong kinagigiliwan kasi nakakatawa lang ang salitang au pair, nakakatawa lang ang imbento mong French accent at yung akin ay German ata, nakakatawa ang ingay ng mga nalilito nating salitang sinasabayan ang likot mo ngayon, likot na may ibang hagod, daig ang likot mo nung isang araw, daig ang likot mo nung isang linggo, kaya oo, au pair na, haha, oo, blowjob na, oo, halika, dali, dun na tayo sa Mazda.