Matapos ang mahaba-habang biyahe galing trabaho papunta sa inyo—tatlong dyip, isang tricyle, isang eskinitang tadtad ng tambay, turo-turo, tae ng aso—matapos ang pagtulak ng pinto, pagtanggal ng sapatos, paglapag ng bag at dyaryo sa sofa, isang tanong tungkol sa kulay ng blusa, isang sagot tungkol sa bagong bumbilya sa kwarto—matapos ang paghatak ng t-shirt, bagsak ng pantalon, angat ng palda, ungol, halinghing—masarap humiga sa kamang magkatabi, bagong hugas at punas, bihis, at makipagkuwentuhan sa ’yo—tahimik na kuwentuhan, bulungang nasasapawan ng harurot ng mga tricycle, ng walang-tigil na daloy ng tubig mula sa tangke sa hardin, bagay na lagi ’kong kinakabagabag kahit lagi mong sinasabi mabuti na ’yun, malulusog ang mga halaman at talahib, at ang mga pusang-kalye, dyan umiinom sa namumuong batis, mga bulong ng labi sa labi—kuwentuhang walang plano o patutunguhan, tungkol sa baon kong mansanas, sa kasama ko sa trabahong mali-mali kung bumigkas, kanina lang ginamit niya ang salitang triple at ang bigkas niya sa unang pantig ay try, as in subok, try-ple, tungkol sa mga uniporme ng saleslady sa SM, sa tv mong malapit nang mawalan ng silbi, kailangang tapik-tapikin para gumana, di pa malinaw ang channel 2 kundi hahawakan ang antenna—kuwentuhang napapadpad sa mga baduy na kanta nung ating kabataan, sa sari-saring mantsa sa sapin ng kama, sa mga nakakatawang salita tulad ng laplapan, Dirty Sanchez, duiker, pronking—kwentuhang walang hugis o dahilan, mga bulong ng labi sa labi, bulong na may halong tawa, tawang may halong halik, halik na sinlikot ng mga daliri mong…

… bukkake ang tawag dyan, hingal mo, may nginig sa boses, sa tuhod, nginig na palilipasin habang nakaupo sa sahig sa tabi ko, habang marahang pinupunasan ng t-shirt ang aking leeg, mukha, ang makulit kong ngiti, dala ng tunog-imbento mong salita.

Advertisements